Pagkatapos ng iyong operasyon
Pangangalaga pagkatapos ng operasyon
Pagkatapos ng operasyon, ililipat ka sa recovery room na kilala rin bilang Post-Anaesthetic Care Unit (PACU), o maaari kang ilipat sa High Dependency Unit (HDU) o sa Intensive Care Unit (ICU).
Patuloy na babantayan ng iyong anestesista at suportang kawani ang iyong kondisyon sa recovery room para masigurong maayos at tuloy-tuloy hanggang maaari ang iyong paggaling. Kapag nakaramdam ka ng kirot o pagsusuka, kailangan mong ipaalam ito sa iyong anestesista o nars para mailapat ang angkop na medikasyon. Maaari ka ring bigyan ng medikasyon para maisaayos ang presyon ng dugo o bilis ng pintig ng iyong puso.
Kung binigyan ka ng pangkalahatang anestisya, maaari kang makaranas ng pagkahilo o pagkaantok, pagkabalisa o kirot, pamamaga o panunuyo ng lalamunan, pagsama ng pakiramdam, o pagsakit ng ulo. Ito ang mga karaniwang side effect, ngunit pansamantala lamang ang mga ito at karaniwang nawawala rin agad. Upang mapabuti ang proseso ng pagpapagaling, bibigyan ka ng oxygen mask upang dito huminga. Maaari ka ring makaramdam ng pagkahilo, paglabo ng paningin, o panandaliang pagkawala ng alaala, ngunit lilipas din agad ang mga ito.
Pagpapahupa sa kirot
Natural lamang na makaranas ka ng kirot pagkatapos ng operasyon, ngunit may mga gamot at teknik para maibsan ang kirot. Ilan sa mga teknik na ito ang:
- pagrereseta ng mga regular na gamot na pangangasiwaan ng mga nars
- pagrereseta ng mga gamot na iniinom ‘kung kinakailangan’ (kilala bilang PRN) para sa pagpapahupa ng matinding kirot
- Patient Controlled Analgesia (PCA) na nagpapahintulot sa mga pasyente na iturok sa sariling ugat ang naka-set nang dosis ng medikasyon; ang anestesista ang magtatakda ng limitasyon ng dosis
Hindi ka palalabasin sa recovery room hanggang hindi napapahupa ang kirot. Maaaring tumagal nang ilang oras ang haba ng paglagi sa recovery room. Kapag komportable ka na, ililipat ka sa iyong kuwarto, ward, o waiting area bago ka payagang makauwi sa bahay.
Maaaring ibigay ang angkop na pampahupa sa kirot sa unang araw matapos kang pauwiin. May malinaw na makasulat na tagubilin kung paano at kailan ito dapat gamitin.
Pag-uwi sa Bahay
Sa mga inoperahang pasyenteng hindi magpapalipas ng gabi sa ospital, pauuwiin ka matapos mabigyan ng berbal at nakasulat na tagubilin sa lahat ng kaugnay na aspekto ng pangangalaga matapos ang anestisya at operasyon. Bibigyan ka rin ng numero ng telepono na maaari mong tawagan sakaling kakailanganin mo ng agarang pangangalagang medikal.
Kailangan ding siguruhin ng mga naturang pasyente na may makakasama sila pauwi sa kanilang bahay. Sa minimum na 24 oras matapos ang operasyon, hindi ka dapat:
- magmaneho ng sasakyan
- gumawa ng mahahalagang desisyon
- gumamit ng anumang delikadong kagamitan o kasangkapan
- pumirma ng mga legal na dokumento
- uminom ng alak
Kung patuloy kang makararanas ng mga side effect, kontakin mo ang iyong anestesista.