Sino-sino ang mga anestesista?
Mga espesyalista sa anestisya
Ang anestesista ay espesyalistang sumailalim sa karagdagang pagsasanay-medikal na may espesyalisasyon sa anestisya. Nakapagtapos sa paaralang medikal at nagtatrabaho nang hindi bababa sa 2 taon bilang doktor, kailangang makompleto ng anestesista ang minimum na 5 taon ng pagsasanay na nakatuon sa anestisya.
Kapag natapos na ang pagsasanay at naipasa ang lahat ng kahingiang may kinalaman sa mga pagsusulit at ebalwasyon, tinatanggap ang nagsasanay bilang Fellow of the Australian and New Zealand College of Anaesthetists (FANZCA), na nagpapahintulot sa kaniya na magsanay bilang anestesista sa Australia at New Zealand.
Para masigurong naisasaalang-alang ang kaalaman, mga pagsasanay, at mga protokol, obligado ang bawat anestetista na lumahok sa tuloy-tuloy na edukasyong medikal. Pinatatakbo ito ng Australian and New Zealand College of Anaesthetists (ANZCA), gayundin ng mga pulong ng mga departamento sa bawat ospital.
Mga responsabilidad
May mahalaga at pangunahing papel ang mga anestesista sa pangangalaga sa pasyente bago, habang, at pagkatapos ng operasyon.
Bago ang iyong operasyon, kakausapin ka ng anestesista tungkol sa iyong nakalipas na operasyon at kasaysayang medikal, at ihahanda ka sa gagawing pangangalaga sa iyo para sa operasyon.
Sa operasyon, ang iyong anestesista ay bahagi ng grupong integral sa iyong pagbuti. Suportado siya ng isang anestesikong nars at/o ng registrar (nagsasanay) sa anestisya. Tututukan ng grupo ang iyong kalusugan at kapakanan sa kabuuan ng prosidyur para masiguro ang maayos at komportableng pagpapagaling.
May mahalagang papel ang mga anestesista sa pagpapanumbalik ng mga nag-aagaw-buhay na pasyente sa kalagitnaan ng operasyon, kabilang ang mga biktima ng trauma. Umaalalay din sila sa pangangasiwa sa mga pasyenteng dumaranas ng malubha o kronikong sakit, gayundin sa pagpapahupa ng sakit para sa mga babaeng nanganganak.