Mga Panganib at komplikasyon
Ang Australia ang isa sa mga pinakaligtas na lugar sa buong mundo para magpaanestisya. Sa kabila nito, ilang pasyente ang mas nanganganib na magkaroon ng mga komplikasyon dahil sa kalagayan ng kanilang kalusugan (hal. sakit sa puso o sa paghinga , diabetes, labis na katabaan, edad), at/o uri ng operasyong pagdaraanan nila.
Mga side effect
Kabilang sa mga side effect ng anestisya ang:
- pagkaantok
- pagkahilo
- pamamaga ng lalamunan
- mababang presyon ng dugo
- bahagyang pagsusuka
Pangkaraniwan ang mga ito, ngunit pansamantala lamang at karaniwang lumilipas agad.
Mga komplikasyon
Maaaring magkaroon ng mga komplikasyon, ngunit bihira lamang itong mangyari. Kabilang dito ang:
- pagkasira ng ngipin, dental prostheses, mga pustiso, cap, crown, bridge, at plate
- pamamaos ng boses
- pananakit ng ulo
- pagkakaroon ng pasa sa bahaging tinurukan ng iniksiyon
- pansamantalang hirap sa paghinga tulad ng hika
- pangingirot ng kalamnan
- pinsala sa labi at dila
- allergic o sensitibong mga reaksiyon
Kabilang sa malalalang komplikasyon ngunit mas madalang mangyari ang:
- pagkakaroon ng malay sa kalagitnaan ng operasyon
- pinsala sa mata
- pagingisay
- atake sa puso
- stroke
- pagbagsak ng atay o bato
- pagkakasakit sa baga gaya ng pulmonya
- pagkasira ng laringhe at babagtingan
- impeksiyon mula sa pagsasalin ng dugo (tingnan ang ibaba para sa karagdagang impormasyon)
- permanenteng pagkasira ng ugat (kabilang ang paraplegia) o pinsala sa daluyan ng dugo
- pagkamatay
Kung may mga alalahanin ka tungkol sa itaas, mangyaring makipag-ugnayan sa iyong anestesista.
Pagsasalin ng dugo
Gamit ang modernong pag-oopera, wala nang gaanong pangangailangan para sa pagsasalin ng dugo. Ang lahat ng dugong kinokolekta ngayon mula sa mga donor ay maingat na sinasala at sinusuri, ngunit mayroon pa ring napakaliit na panganib ng impeksiyon. Malay ang iyong anestesista sa mga ganitong panganib at magsasalin lamang ng dugo kung talagang kinakailangan. Para sa kritikal na operasyon, maaaring pangasiwaan ng iyong anestesista ang isang sistema ng pangongolekta ng iyong dugo habang o pagkatapos ng iyong operasyon, pagpoproseso rito, at pagbabalik sa iyo nito. Tinatawag itong blood salvage at kung minsan, naiiwasan nito ang pangangailangan sa pagsalin ng dugo.
Para sa mga pasyenteng tumatanggi sa pagsasalin ng dugo (hal. dahil sa relihiyon), dapat mo itong ipaalam sa iyong anestesista bago ang iyong operasyon.