Ano ang anestisya?
Pinakamahusay na mailalarawan ang anestisya ng dalawang salitang Griyego na pinaghanguan ng pangalan nito: "an" na nangangahulugang "wala" at "aethesis" na nangangahulugang "pakiramdam”. Dahil sa anestesiko, ang gamot na sanhi ng anestisya, naisasagawa ang mga medikal na prosidyur nang walang nararamdamang sakit. Kung wala ito, hindi posibleng maisagawa ang mahihirap na operasyon. Relatibong ligtas ang modernong anestisya dahil sa patuloy na debelopment sa gamot na pampamanhid ng kirot, mga protokol sa anestisya, at pagsasanay ng mga anestesista. Dahil sa empasis sa mataas na pamantayan, ang Australia ang may isa sa pinakamahuhusay na rekord ng kaligtasan ng pasyente sa buong mundo.
Mga Uri ng Anestisya
May apat na malawak na kategorya ng anestisya.
1. Lokal na anestisya
2. Rehiyonal na anestisya
3. Sedasyon
4. Pangkalahatang Anestisya
Iba’t ibang uri ng anestisya ang ginagamit depende sa uri at tagal ng prosidyur, gayundin sa iyong kasaysayang medikal at nakalipas na operasyon. Makikipag-ugnayan ang anestesista sa iyo at sa doktor na mag-oopera upang matukoy ang pinakaligtas at pinakaangkop na uri ng anestisya para sa operasyon.
Lokal na anestisya
Sa lokal na anestisya, pinamamanhid ang maliit na bahagi ng katawan sa pamamagitan ng pagturok ng lokal na anestesikong gamot sa mga tisyu malapit sa bahaging ooperahan. Maaaring isagawa ang menor na operasyon nang walang sakit sa bahaging iyan habang gising ka, kaya hindi na kailangan ang pangkalahatang anestesikong gamot. Karaniwan ding sinasamahan ng bahagyang pampatulog ang lokal na anestisya. Ang pagtahi ng sugat at pagbunot ng wisdom tooth ang ilan sa halimbawa ng pamamaraan na ginagamitan ng lokal na anestisya.
Rehiyonal na anestisya
Sa rehiyonal na anestisya, pinamamanhid ang mas malaking bahagi ng katawan sa pamamagitan ng pagturok ng lokal na anestesikong gamot sa palibot ng mga ugat. Maraming bahagi ng katawan tulad ng sikmura, mata, braso/kamay at binti/paa ang maaaring operahan gamit ang rehiyonal na anestisya habang gising ka. Karaniwang tumatagal nang 12 hanggang 18 oras ang pampamanhid kaya wala kang mararamdamang kirot sa mga oras na ito pagkatapos ng operasyon. Maaaring bumalik ang sakit kapag nawawala na ang bisa ng pampamanhid, at sa ganitong kaso inirereseta ang mga alternatibong paraan ng pagpapahupa ng kirot. Maaari ka ring makaramdam ng pamamanhid at kirot na parang galing sa tusok ng karayom sa bahaging sinusuplayan ng mga ugat, at maaaring mahirap o imposibleng maigalaw ang bahaging iyan ng katawan habang gumagana pa ang anestesikong gamot. Mga karaniwang halimbawa ng rehiyonal na anestisya ang mga epidural na ginagamit sa panganganak, spinal/epidural na anestesiko na ginagamit sa caesarean section, spinal/epidural na anestesiko para sa pagpapalit ng balakang at tuhod, axillary blocks sa balikat, operasyon sa braso o kamay, at eye blocks para sa katarata at vitreous na operasyon.
Sedasyon
Ginagamit ang sedasyon sa mga prosidyur na nangangailangan ng mahinang anestisya. Pakakalmahin ka hanggang sa halos wala ka nang mamalayan; tinatawag ito kung minsan na intravenous na sedasyon. Tuturukan ka ng anestesista ng kombinasyon ng mga gamot na magpapakalma sa iyo, magpapaantok, at magpapakomportable habang isinasagawa ang prosidyur. Karaniwang halimbawa ng mga prosidyur na gumagamit ng sedasyon ang pag-opera sa mata, plastic surgery, gastroenterological at colonoscopy. Karaniwan ding ginagamit ang
sedasyon kasama ng iba pang anestesikong teknik tulad ng rehiyonal at lokal na anestisya.
Pangkalahatang Anestisya
Karaniwan itong tinutukoy bilang “pampatulog”. Gumagamit dito ng kombinasyon ng mga gamot at pampamanhid na magpapatulog sa iyo. Sa maingat na kontroladong medikal na estadong ito, kalmado ang iyong kalamnan at wala kang mararamdamang sakit. Karaniwang sinisumulan ang pangkalahatang anestisya sa pamamagitan ng karayom na ituturok ng anestesista sa ugat sa iyong braso, at susundan ito ng mga gamot na pinadadaan sa ugat o mga pinaghalong gas na iyong lalanghapin. Habang wala kang malay sa mga nangyayari sa paligid mo, nasa tabi mo ang anestesista sa buong prosidyur, patuloy na sinusubaybayan at sinisigurong mabuti ang iyong kalagayan. Mga karaniwang halimbawa ng mga prosidyur na gumagamit ng pangkalahatang anestisya ang neurosurgery at mga operasyon sa sikmura at dibdib.